PNA, mali ang ginamit na logo para sa balita tungkol sa DOLE

Muli na namang pinagpiyestahan lalo na sa social media ang Philippine News Agency (PNA) matapos gamitin ang logo ng isang fruits and vegetables company sa isang news article tungkol sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang acronym ng kagawaran na DOLE, ay katulad rin ng brand name ng sikat na kumpanya na gumagawa ng processed fruit products na Dole.

Nailathala sa web page ng PNA ang artikulo eksaktong 7:56 ng gabi at agad na kumalat sa social media dahil sa screenshots ng mga netizens.

Agad namang binura ng news site ang logo matapos ang seryosong pagpuna ng mga internet users.

Samantala, humingi naman na ng paumanhin ang PNA sa nangyari, kasabay ng patitiyak na inaaksyunan na nila ito.

Inamin ng PNA na nagkaroon talaga ng pagkakamali sa paggamit ng larawan, at na isa itong “careless act” sa panig ng PNA editorial staff.

Siniguro rin ng PNA ginagawa na nila ang mga nararapat gawin para makapagbigay ng tamang impormasyon sa kanilang mga mambabasa.

“Rest assured appropriate action is being taken in pursuit of the delivery of accurate information to our readers. Our apologies,” saad sa kanilang pahayag.

Ilang beses na rin nasadlak sa kontrobersya ang naturang government website.

Kamakailan lamang, nai-‘republish’ ng PNA ang article ng Chinese news agency na Xinhua na naglalarawan sa 2015 arbitration ruling na pabor sa Pilipinas bilang “ill founded.”

Noong Mayo naman, pinag-usapan din ang paggamit ng news agency ng larawan na tutukoy sana sa kasalukuyang giyera sa Marawi ngunit napag-alamang ang ginamit nilang larawan ay ang larawan ng isang sundalo noong Vietnam War.

Read more...