Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang aabot sa P1.35-million halaga ng iPhone 7 Plus.
Hinarang ng mga tauhan ng customs ang Chinese passenger na si Su Miaoquiao, nang dumating ito sa NAIA sakay ng Xiamen Airlines Flight MF 819.
Ito ay makaraang may makitang kahina-hinalang bagay sa kaniyang bagahe nang dumaan ito sa x-ray examination.
Nang inspeksyunin ang kaniyang gamit, nakita ang 30 units na iPhone 7 Plus model #A1660 na hindi idineklara ng dayuhan.
Ayon kay BOC – Xray Inspection Project head, Maj. Jaybee Raul Cometa, legal naman ang mag-angkat ng smartphones pero dapat itong ideklara dahil ito ay taxable.
Sinabi ni Cometa na nilabag ni Su ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at ang NTC regulation dahil sa kabiguan na magpakita ng karampatang dokumento dahil sa hindi pagdeklara sa Apple smartphones.
Pansamantalang inilagak sa In-Bond Room sa terminal 1 ang mga nasabat na iPhone habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.