2 pulis patay sa pananambang ng NPA sa Catanduanes

 

Dalawang pulis ang patay, habang apat na iba pa ang sugatan kabilang ang isang hepe ng pulisya sa serye ng mga pag-atake na isinagawa ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Viga, Catanduanes.

Sakay ng dalawang police patrol vans, dadalhin sana ng mga pulis ang 10 sumukong drug personalities sa Malinao Rehabilitation and Treatment Center sa Viga para sa orientation on substance abuse.

Habang binabagtas nila ang kalsada sa Sitio Pinarayan ng Brgy. Sagrada, sumabog ang isang improvised explosive device na itinanim ng mga rebeldeng NPA, at tinamaan ang convoy ng mga pulis, bago mag-tanghali kahapon.

Ayon kay Bicol police spokesperson Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, matapos ang pagsabog ay sinundan ito ng pamamaril ng hindi bababa sa 20 rebelde.

Sinundan naman ito ng isa pang pag-atake dakong 1:40 ng hapon nang parahin ng mga NPA ang mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ng pagsabog, at bigla silang pinaputukan.

Nauwi ito sa engkwentro na ikinasawi nina PO1 Eva Torcilino at PO3 Joseph Tupue na parehong nakatalaga sa Viga police.

Sugatan naman dahil sa mga pag-atake ang hepe ng Viga police na si Senior Insp. Ernesto Montes Jr., pati na ang mga kasama niyang sina SPO1 Marwin de Vera at dalawang hindi nakilalang mga drug surrenderees. .

Read more...