Kumbinsido si Sen. Antonio Trillanes na sangkot nga at may kinalaman sa shipment ng P6 Billion na halaga ng ilegal na droga si Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Sa isang text message sinabi ni Trillanes na mayroon siyang nakalap na impormasyon na magdidiin kay Faeldon sa gitna ng kontrobersya.
Apela ni Trillanes kay Faeldon na sana pagkatapos ang kanyang ‘malingering’ o pagkukunwari sa kanyang karamdaman ay magkaroon ito ng lakas ng loob na harapin ang mga pagtatanong ng mga senador at mga congressmen.
Sinabi ni Sen. Antonio Trillanes na nagsasakit-sakitan lamang si BOC Commissioner Nicanor Faeldon.
Samantala, tiwala naman si Trillanes na base sa kanyang pagkakilala sa kanyang mga kaklase sa PMA na sina Deputy Commissioners Gerry Gambala at Director Milo Maestrecampo ay walang kinalaman ang mga ito sa pagpapalusot ng iligal na droga.
Sa kabila nito, umaasa si Trillanes na sa matapang na pagharap nina Gambala at Maestrocampo sa mga imbestigasyon ay doon totoong madedetermina kung sila nga ay inosente o mayroong pagkakasala.
Kaugnay nito, kinumpirma din ni Trillanes na tulad ng sinabi nina Faeldon, Gambala at Maestrocampo sa pagdinig sa kongreso, totoo umanong hindi nga miembro ng Magdalo ang tatlo.