Mahigit isang libong mga mangingisda ang nagtipon-tipon sa Quirino Grandstand mula sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa para tutulan ang RA 10654 o ang bagong Fisheries Code.
Ayon kay Mario Boy Pascual, National President ng Pederasyon ng mga Mangingisda sa Buong Pilipinas, kinukwestyon nila ang agarang pagpasa sa nasabing batas na nagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa mga mangingisda. Hindi man lamang umano kasi sila nakonsulta bago ito naipasa.
Isa sa mga tinututulan ng kanilang grupo ang penalty sa mga fishing vessels na dati ay P10,000 lamang, pero sa ilalim ng bagong batas, itinaas ito sa P12,000.
Sa dating batas na RA 8550, sa ibang munisipalidad 10kms ang limit sa mga mangingisda para makapanghuli mula sa seashore pero ngayon ay ginawa itong 15kms mula sa seashore.
Ayon kay Pascual, limitado na rin ang panghuhuli ng isda sa hanggang 3 kilo na lamang para sa mga maliit na mga mangisngisda na dati ay wala namang limitasyon.
Sinabi ni Pascual na magtutungo sila sa Senado at hihirit ng dayalogo sa mga senador para mailahad ang kanilang mga hinaing.