P16-B pondo para sa scholarships, maaring ilaan sa libreng matrikula sa kolehiyo

 

Nakahanap na ng paraan ang Kamara para magkaroon ng pondo para makapagbigay ng libreng matrikula sa mga state colleges and universities (SUCs), alinsunod sa bagong Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Ayon kay appropriations committee chair Rep. Karlo Alexei Nograles, maaring ilaan na lang sa free higher education act ang P16 bilyong halaga ng pondong nakalaan para sa mga scholarships.

Napagtanto ni Nograles ang posibilidad na ito matapos niyang makipagpulong kina Budget Sec. Benjamin Diokno, Commission on Higher Education Chair Patricia Licuanan, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Sec. Guiling Mamondiong.

Ani Nograles, para makabuo ng pondo, maaring ipunin ng Kamara ang mga scholarship funds ng iba’t ibang kagawaran.

Kabilang dito sa mga kagawaran na nagkakaloob ng scholarships ay ang Department of Health, CHED, TESDA, Department of Agriculture, Department of Science and Technology at Department of Environment and Natural Resources, pati na ang iba’t ibang SUCs.

Aniya, makikinabang dito ang mga estudyante mula sa 114 na mga SUCs, 16 local universities and colleges na accredited ng CHED at 122 technical-vocational institutions sa ilalim ng TESDA.

Pumayag naman aniya ang CHED at TESDA na magbigay ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral na makikinabang sa bagong batas upang malaman kung magiging sapat ba ang P16 billion.

Matatandaang una nang inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na bagaman nilagdaan niya ang batas, hindi siya sigurado sa kung saan kukuhanin ang pondo para dito.

Read more...