Tinangay na jewelry box ng misis ng Turkish ASEAN delegate narekober na

Narekober na ng airport police ang nawawalang jewelry box ng asawa ng foreign minister ng Turkey na dumalo sa ASEAN Summit.

Sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na umalis ng bansa si Madame Hulya Cavusoglu sakay ng Turkish Airlines Flight TK85 noong Biyernes.

Noong Lunes ng hapon, nakipag-ugnayan sa pamunuan ng NAA ang country manager ng Turkish Airlines na si Erhan Balaban at isinumbong ang pagkawala ng jewelry box ni Cavusoglu.

Agad na binuo ang isang investigating team mula sa Airport Police Department at apat na ground handling crew ng MIASCOR ang inimbitahan.

Inamin naman nina Yves Baguion, Wilson Mataganas, Ricardo Alfaro at John Tacoma ang pagtangay ng kahon ng mga alahas sa isang bagahe na kanilang nahawakan.

Ang mga alahas na binubuo ng limang gintong singsing, apat na pares ng gintong hikaw at gintong bracelet na may mga diamante at perlas ay naibigay naman na sa pamunuan ng Turkish Airlines.

Sinabi ni Monreal na binawi na ang airport access pass ng apat na kawani at aniya bahala na ang MIASCOR at Turkish Airlines kung kakasuhan ang mga ito.

Read more...