Mayor ng Caluya, Antique sinuspinde ng Ombudsman

 

Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan na suspensyon ang alkalde ng Caluya, Antique na si Genevieve Lim-Reyes.

Ang direktiba ay ginawa ng Ombudsman matapos nitong mapatunayang guilty si mayor ng ‘oppression’ dahil sa iligal umano nitong pagbibigay pahintulot sa clearing operation sa limang ektaryang niyugan sa Sitio Poocan, Barangay Tinogboc noong Pebrero 2014.

Ang iligal na demolisyon ay para magbigay umano ng daan sa pagpapatayo ng housing project na paglilipatan ng mga residente mula sa Sitio Sabang.

Ayon sa Ombudsman, nabigo si Reyes na magpakita ng anumang aplikasyon mula sa Philippine Coconut Authority para sa pagputol ng mga puno ng niyog o para sa land conversion ng lugar.

Noong Hulyo 2014, ipinatigil ng Commission on Human Rights sa alkalde ang nasabing relocation, eviction at demolition dahil sa kakulangan ng sapat na konsultasyon sa mga apektadong residente.

Sa resolusyon nito, ipinaliwanag ng Ombudsman na wala ding sanggunian resolution na sumusuporta sa nasabing housing project ang nai-prisinta ng respondent kaya malinaw na ang ginawang ito ni Reyes ay walang due process.

Taliwas din ito sa Local Government Code of 1991 na naghihikayat sa mga local government units (LGU) ng magpatupad ng konsultasyon bago ang implementasyon ng isang proyekto.

Read more...