Aminado ang National Bureau of Investigation (NBI) na hindi panila matukoy kung sino ang mga kakasuhan may kinalaman sa usapin ng nakalusot na ilegal na droga sa Bureau of Customs (BOC).
Sa isinasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw, hindi pa masagot ni
NBI Deputy Director for Investigative Services Vicente De Guzman kung ano ang ikakaso at sino ang mga dapat managot sa importation ng mahigit P6 Billion na halaga ng ilegal na droga na nailabas sa bodega ng Customs.
Sa pagtatanong ni Sen. Sonny Angara, humihingi si de Guzman ng panahon sa komite para maisapinal ang nararapat na kasong isasampa at saka umano nito isusumite sa pamunuan ng komite na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.
Samantala, todo-depensa naman si Co.l Neil Estrella, Customs Intelligence and Investigation Service Director sa ginawang pagdirekta nito sa warehouse ni Richard Chen alias “Richard Tan” sa Valenzuela City kung saan idineretso ang higit 600 kilo ng shabu galing China.
Paliwanag ni Estrella, binuksan nila ng kanyang team sa BOC ang crate na naglalaman ng droga at saka pinapirma ng Letter of Authority (LOA) si Tan para sa nabanggit na ilegal na droga at hindi na sila kumuha ng search warrant dahil na rin sa gahol na sa panahon.
Naunang iginiit ni Gordon sa kanyang pagtatanong na contaminated na ang nabanggit na shipment at hindi na ito magagamit na ebidensya sa korte laban sa mga sangkot dahil na rin sa ginawang pagbubukas dito ng grupo Estrella.