Planong pagpatay kay Joma kalokohan ayon sa militar

Inquirer file photo

Tinawag ng militar na isang malaking kalokohan ang sinabi ng National democratic Front of the Philippines na balak nilang ipapatay si communist leader Jose Maria Sison.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman BGen. Restituto Padilla na gusto lamang gumawa ng kwento ng komunistang grupo para makakuha ng simpatya sa mga anti-U.S groups.

Malinaw rin ayon kay Padilla na isa itong uri ng propaganda ng NDFP para sila pag-usapan lalo na sa social media.

Nauna nang sinabi ng NDFP na balak ng Central Intelligence Agency (CIA) at ng AFP na patayin si Sison bago o makaraang isailalim ng pangulo ang buong bansa sa ilalim ng batas militar.

Isang grupo umano ng mga sundalo ang pupunta sa The Netherlands para gawin ang pagpatay.

Kapag napatay na si Joma, isusunod umano ng CIA at ng kanilang mga kaalyado sa bansa ang pagpapabagsak sa pamahalaan ni Pangulong Duterte.

Sangkot umano sa operasyong ito ang mga tauhan ng militar sa pangunguna ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año.

Sinabi pa ng NDFP na dahil sa nasabing impormasyon ay naghigpit na rin ng kanyang seguridad si Sison.

Read more...