Inabangan ng mga Pinoy ang bahagyang pagdidilim ng buwan o partial lunar eclipse kaninang madaling araw.
Nagsimula ang patapat ng anino ng mundo sa buwan dakong ala-una bente dos ng madaling araw.
Halos bente singko porsyento ng buwan ang tila nilamon ng dilim ng hanggang alas-tres o alas-kwatro ng umaga.
Dahil maganda ang panahon, nasasaksihan ang partial lunar eclipse sa halos buong panig ng bansa.
Ayon kay Dario Dela Cruz, hepe ng Space Sciences and Astronomy Section ng PAGASA, ang partial lunar eclipse ay ang natatanging eclipse na nasilayan sa Pilipinas ngayong taon.
Natunghayan din ito sa western Pacific Ocean, Oceania, Australia, Asya, Africa, Europe, at dulong silangan ng eastern South America.
Sinasabing ligtas na panoorin ang lunar eclipse kaya’t hindi na kinailangan pang gumamit ng anumang protective filter para sa mata.
Samantala, may magaganap namang total eclipse sa Agosto a-bente uno hanggang a-bente dos, ngunit hindi ito masisilayan sa Pilipinas.
Sinasabing makikita lamang ang naturang phenomenon sa Hawaii, sa America maliban sa katimugan ng South America, Westernmost Europe, at West Africa.