Karagdagang ‘diplomatic at economic pressure’ inirekomenda vs North Korea

 

Inirekomenda ng Estados Unidos, Australia at Japan ang pagpapataw ng karadagang diplomatic at economic pressure laban sa komunistang bansa ng North Korea.

Ito ang napagkaisahan ng mga foreign minister ng tatlong bansa kasunod ng idinaos na Trilateral Strategic Dialogue sa ASEAN Ministerial Meeting nitong Lunes, Agosto 7.

Kaugnay nito, suportado ng tatlong bansa ang UNSC Resolution 2371 noong August 5 na mahigpit na nagpapataw ng total ban sa mga exports mula sa North Korea.

Kinondena ng tatlong bansa ang pagmamatigas ng NoKor na magpundar ng nuclear weapon at ayaw nitong papigil na ballistic missile testing mula pa noong nakaraang taon.

Ang mga aksyon na ito ng NoKor ay paglabag sa maraming resolusyon ng UN Security Council at nagpapa-igting sa banta nito sa katatagan at seguridad ng rehiyon.

Hinikayat din nito ang mga ASEAN member countries na paigtingin ang pressure sa North Korea para sundin ang mga resolusyon ng UNSC at joint statement ng six party talks noong Setyembre 2005.

Nanawagan din ang mga ito na wakasan na ang sistematikong human right violation ng NoKor at palayain na ang mga bihag nitong dayuhan kabilang ang mga Japanese at US Nationals.

Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala ang mga minister ng Amerika, Australia at Japan sa maritime disputes sa South China Sea (SCS) at hinikayat ang lahat ng claimant countries na itigil ang anumang reclamation at militarisasyon sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Pinayuhan din ito ang mga claimants na resolbahin ang agawan sa teritoryo alinsunod sa international law of the sea base sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Suportado din nito ang mga ASEAN member states at China na magsapinal ng Code of Conduct sa lalong madaling panahon na legally binding at naaayon sa international law.

Kabilang sa dumalo sa nasabing pulong si Minister for Foreign Affairs ng Australia na si Julie Bishop, Minister for Foreign Affairs ng Japan na si Taro Kono, at ang Secretary of State ng estados unidos na si Rex Tillerson.

Read more...