Inimbitahan ang mga dating manlalaro ng PBA sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng kamara ngayong araw hinggil sa P6.4 billion na halagang shabu na naipuslit papasok sa bansa.
Kabilang sa mga nasa listahan na inimbitahan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ay sina Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, EJ Feihl at maging ang volleyball star na si Allysa Valdez at maraming iba pa.
Maaga namang dumating sa kamara sina Aquino at Feihl para humarap sa pagdinig.
Ang nabanggit na mga manlalaro ay natuklasang nasa payroll ng customs matapos kunin ni Commissioner Nicanor Faeldon ang kanilang serbisyo.
Nabatid na sumusuweldo ng tig P 50,000 kada buwan bukod pa sa P50,000 mula sa mga stakeholders ang nasabing mga manlalaro.
Kinumpirma ni Faeldon ang pagtatalaga sa nasabing mga sikat na players bilang mga technical assistants.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs inaasahang ibubunyag ang mga opisyal ng ahensya na tumanggap ng lagay mula sa Customs Broker na si Mark Taguba.
Ayon kay Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng komite, muling haharap si Taguba sa imbestigasyon.
Sinabi ni Barbers na nakahanda si Taguba na makipag-cooperate sa komite at pinagkalooban ito ng proteksyon kapalit ng pagbubulgar ng mga nakinabang sa suhulan sa Customs.
Nakahanda aniya ang komite na magrekomenda ng pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng BOC na mapapatunayang nakinabang lalo na sa nakalusot na iligal na droga.