Ayon sa abiso ng FDA, ang clotrimazole o canesten 100mg vaginal tablet ay na mayroong registration number na DR-XY32759 ay inangkat ng Marketing Authorization Holder, Bayer Philippines.
Sa isinagawang beripikasyon, hindi umano totoong sumailalim ito sa registration process ng FDA at hindi naisyuhan ng Certificate of Product Registration.
Ayon sa FDA, batay sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009, ang paggawa, pag-angkat, pagbenta, pamamahagi, paglipat, promosyon, pagpapatalastas o sponsorship ng produktong pangkalusugan nang walang kaukulang otorisasyon mula sa FDA ay ipinagbabawal.
Dahil hindi rehistrado ang nasabing gamot, nangangahulugan na hindi ito dumaan sa proseso ng pagsusuri ng FDA kaya hindi masisiguro ng ahensya ang kalidad at kaligtasan nito.
Ayon pa sa FDA, ang nasabing iligal na produkto ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga gagamit nito.
Payo ng FDA sa publiko, huwag bumili ng nasabing iligal na produkto at maging maingat laban sa mga gamot na maaaring hindi rehistrado sa FDA.
Ang clotrimazole ay isang anti-fungal medication na ginagamit sa vaginal yeast infection.