Panukala para ibaba ang income tax, sigurado ang approval bago matapos ang 16th Congress

session inq file
Inquirer file photo

Kumpiyansa si House Ways and Means Committee Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na maaaprubahan ng kasalukuyang Kongreso ang panukalang batas na nagbababa sa individual at corporate income tax.

Sa Ugnayan sa Batasan press conference, sinabi ni Quimbo na isinasapinal na ng kanyang lupon ang committee report para sa consolidated version ng labing isang income tax reform bills.

Ayon kay Quimbo, inaasahang sa loob ng susunod na dalawang linggo ay mailulusot sa Ways and Means Panel ang naturang panukala.

Bago naman aniya mag-break ang sesyon sa October 15, malaki ang posibilidad na makakapasa ang panukala sa Mataas na Kapulungan.

Sa ilalim ng nabuong bersyon ng Ways and Means Committee ng Kamara, ibababa ang income tax ng mga manggagawa batay sa adjustment ng consumer price index at gagawing simple ang tax brackets.

Ang mga sumusweldo ng 500,000 pesos hanggang 10 million pesos ay papatawan na lamang ng 17 percent, habang ang mga sumasahod ng 10 million pesos pataas bawat taon ay bubuwisan ng 30 percent.

Sa nabanggit na House version, tinataya ng Department of Finance o DOF na aabot sa 29 billion pesos ang mawawalang kita sa gobyerno.

Pagtitiyak naman ni Quimbo, madaling mababawi ito dahil kung ibababa ang income tax at corporate tax ay lalawak din ang tax base, na magbubunsod sa paglaki ng koleksyong buwis.

Read more...