Muli nang magsisimula ang klase sa Mindanao State University sa susunod na linggo sa kabila ng nagpapatuloy pa rin na bakbakan sa Maarwi City.
Ngunit dahil sa mga naiuulat na presensya ng mga armadong kalalakihan sa pagitan ng paaralan, tiniyak ng lokal na pamahalaan na dodoblehin nila ang seguridad sa paaralan.
Ayon kay Provincial Crisis Management spokesperson Zia Alonto Adiong, kumpyansa siyang mapagtutulungan ng mga komunidad, militar at lokal na pamahalaan ang pagpapanatili sa kaligtasan ng MSU.
Ani Adiong, tulad ng Lake Lanao, mahalaga rin sa kanila ang MSU at ang pagsasara nito ay parang nangangahulugan din ng pagkawala ng Marawi City.
Hanggang August 2, pumalo na sa 674 ang bilang ng mga napatay sa patuloy na kaguluhan sa Marawi, 116 dito ay mga pulis at sundalo, 45 na sibilyan at 513 na terorista.