Agad na ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang bagong listahan ng mga personalidad na sangkot sa operasyon sa illegal na droga sa bansa.
Ang updated dug list ay ipinakita mismo ng Pangulong Duterte sa mga nagmamay-ari ng Mining Companies ng ito’y pulungin ng pangulo sa Heroes Hall sa Palasyo ng Malakanyang, Huwebes ng gabi.
Kasama sa meeting ng pangulo si Special Assistant to the President at Presidential Management Staff Secretary Bong Go at si Environment Secretary Roy Cimatu.
Gayunman, tumanggi muna ang pangulo na magbigay ng impormasyon kung may nabawas o nadagdag sa listahan ng mga narco-politician gayundin ang mga pulis na sangkot at maging ang mga nasa hudikatura at ibang mga sangay ng pamahalaan.
Inaasahan namang isasapubliko ito ng pangulo na karaniwang ginagawa nito sa kanyang mga public engagement.
Matatandaang sa mga naunang public statement ng pangulo, tahasang pinangalanan sina Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., at Ozamiz Mayor Reynaldo Parajoninog Sr., na kapwa sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Ang dalawa ay parehong napatay sa operasyon ng mga pulis.