Pinakakalma ni Philippine National Police Chief Director Deneral Ronald Dela Rosa ang mga residente sa Ozamiz City kaugnay sa kumakalat na text messages na magkakagulo umano sa lugar dahil sa reresbak ang pamilya ng napaslang na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Apela ni Dela Rosa sa publiko, huwag matakot at ipagpatuloy lamang ang normal na pamumuhay.
Dagdag ni Dela Rosa, nakaalerto na ang Ozamiz PNP sa anumang possibleng banta mula sa mga kaalyado ni Parojinog.
Sa ngayon aniya, tahimik ang Ozamiz at kung mayroon mang panganib ay aabisuhan kaagad ng PNP ang publiko.
Humihingi rin ng kooperasyon si Dela Rosa sa publiko na makipagtulungan sa kanilang hanay upang masawata ang anumang banta sa seguridad.
Ramdam naman na sa mga lansangan sa Ozamiz City ang pangamba ng mga residente.
Sa gabi, halos walang lumalabas na residente, at nagmimistulang ghost town ang mga kalsada.
Una rito ay inalerto na ng PNP ang kanilang pwersa sa Ozamiz City kasunod ng ulat na balak ngang rumesbak ng pamilya Parojinog.
Sinabi ni Dela Rosa na sakay umano ng dalawang malalaking bangka at galing ng Culambugan sa Lanao Del Norte ang dagdag-pwersa ng pamilya.
Dahil dito sinabi ni Dela Rosa na agad niyang inatasan ang regional director ng PNP region 10 na magdagdag pwersa.
Isang batalyon ng regional public safety ang ipinadala sa Ozamiz City para tumulong sa pagsasagawa ng checkpoint at pagpapanatili sa peace and order sa lugar.