Duterte, pumanig sa mga pulis na nagsagawa ng Ozamiz raid

 

Kinampihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na nasa madugong raid na nauwi sa pagkamatay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at 15 iba pa.

Ayon kay Duterte, kailangang tiyakin ng mga pulis at militar na patay na ang kanilang mga kalaban dahil kung hindi, posible pang makabwelo ang kalaban at barilin ang mga sundalo at pulis na maari nilang ikasawi.

Aniya pa, kung pamunuan ni Parojinog ang Ozamiz City ay para siyang nagpapatakbo ng “feudal state” ng kanilang pamilya.

Dati nang idinawit ni Duterte ang pangalan ng mga Parojinog sa listahan ng mga narcopoliticians sa Mindanao.

Ikinwento pa ni Duterte ang pagpapatawag niya sa lahat ng mga namumuno sa mga lokal na pamahalaan, kung saan binalaan niya ang mga ito tungkol sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Iginiit naman ni Pangulong Duterte na siya ang sasagot sa nangyaring raid dahil siya ang nag-utos nito.

“I will answer for it. I ordered it,” ani Duterte.

Ani Duterte, inatasan niya ang mga sundalo at pulis na buwagin ang mga organisasyon ng iligal na droga kabilang na ang mga supplier, users at lahat ng mga sangkot pa dito dahil ang mga ito ang bumubuhay sa kalakalan.

Read more...