PNP nakaalerto sa bantang paghihiganti ng pamilya Parojinog

 

Inalerto na ng Philippine National Police ang kanilang pwersa sa Ozamiz City.

Kasunod na rin ito ng ulat na balak rumesbak ng pamilya ng napaslang na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.

Sa ambush interview kay PNP Chief Director General Ronald dela Rosa sa ika-dalawamput anim na anibersaryo ng Bureau of Fire Protection sa Kampo Aguinaldo, sinabi nito na sakay umano ng dalawang malalaking bangka at galing ng Culambugan sa Lanao del Norte ang dagdag-pwersa ng pamilya Parojinog.

Dahil dito sinabi ni Dela Rosa na inatasan na niya ang Regional Director ng PNP Region 10 na magdagdag pwersa.

Isang company ng Regional Public Safety Battalion aniya ang ipinadala sa Ozamiz City para tumulong sa pagsasagawa ng checkpoint at pagpapanatili sa peace and order sa lugar.

Kinakailangan aniya na maging alerto ang PNP lalo’t malaking grupo at established na political personalities ang kanilang nakabangga ngayon.

Hindi rin isinasantabi ni Dela Rosa ang posibilidad na maaring samantalahin ng ibang grupo ang sitwasyon sa Ozamiz ngayon at palabasin na gumanti lamang ang pamilya Parojinog.

Read more...