Mga opisyal ng BOC, kanya-kanyang sisihan sa paglusot ng P6.4-B shabu

 

Kuha ni Erwin Aguilon

Nagbatuhan ng sisi sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara ang mga opisyal ng Bureau of Customs kaugnay sa nakalusot na P6.4B halaga ng shabu sa Bureau of Customs.

Itinuro ng ilang mga opisyal ng customs si Risk Management Office Acting Chief Atty. Larrybert Hilario na responsable sa ‘tagging’ ng mga pumapasok na shipment bilang Risk Management Officer.

Si Hilario ang nakatao sa command center ng BOC nang pumasok ang shipment ng EMT Trading.

Sinabi naman ni Hilario na nag request siya ng alert para sa shipment ng EMT dahil kahina-hinala ito sa dami ng import entries ng broker na si TJ Marcellana para sa EMT Trading.

Pare-pareho pa anya ang halagang 4,000 pesos na binayarang VAT para sa mga ito.

Ipinadala umano niya ang request sa tanggapan ni Dir. Nilo Maestrecampo.

Sinabi ni Director Milo Maestrecampo na hindi dapat sa kanya nag-request ng alert si Hilario dahil siya ay sa Import Assessment Service at hindi siya maaring umaksyon sa alert na nakarating sa kanya.

Lumalabas naman sa pagdinig na maaaring magrekomenda ng alert si Maestrecampo matapos siyang maabisuhan tungkol sa ‘red flag’ shipment na dumaan sa ‘green lane’ ng Customs.

Sinabi din ni Hilario na kung napagbigyan lamang ang kanyang request, dapat naharang ang shipment ng shabu.

Sinabi naman ni Deputy Commissioner Edward Dybuco, maaaring magrekomenda ang anumang dibisyon ng BOC na makakatanggap ng alert sa kwestyunableng kargamento at ito ay subject for review ng import assessment service na hawak naman ni Maestrecampo.

Read more...