Nakalaya matapos magbayad ng P120,000 na piyansa ang pari na na-aresto matapos umano nitong dalhin ang isang menor-de-edad sa isang motel.
Sinabi ni Marikina Police Chief Senior Superintendent Roger Quesada, bagaman pansamantalang nakalaya si Monsignor Arnel Fuentes Lagarejos ay kakaharapin pa rin nito ang kanyang kaso na paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Ayon pa dito, ipinag-utos na ni Eastern Police District Director Chief Superintendent Romulo Sapitula na magsagawa ng masinsinang imbestigasyon laban kay Lagarejos dahil sa mga natatanggap nilang report na dalawang beses nang nakipagkita ang pari sa labing tatlong gulang na dalagita at nakipagsiping na ito sa kanya nang isang beses.
Nilinaw naman ni Metro Manila Police Chief Oscar Albayalde kung bakit trafficking at hindi rape ang ikinaso kay Lagarejos.
Aniya, hindi pa naman sila nagtatalik nang mahuli ang pari kaya human trafficking ang ikinaso sa kanya.
Ngunit, aniya, maaari pa ring kasuhan ng rape si Lagarejas ngunit ang magkakaso nito ay ang mga magulang ng bata, ang DSWD, o ang PNP.