Chief Justice Sereno ipina-iimpeach ng VACC

Photo: Erwin Aguilon

Inihain ngayon sa Kamara ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ng Vanguard of the Philippine Constitution Inc. ang isang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Limang grounds ang inilagay ng grupo ni Dante Jimenez, Founding Chairman ng VACC para ma-impeach si CJ Sereno.

Una rito, nilabag ni Sereno ang Saligang Batas matapos itong bumuo ng bagong Judiciary Decentralized Office at ang muling pagbubukas ng Regional Court Administration Office sa Western Visayas ng walang pahintulot ng Supreme Court En Banc.

Ikalawa, nilabag umano ni Sereno ang Saligang Batas matapos nitong italaga bilang Staff Head II ang isang Atty. Solomon Lumba na nagtatrabaho na sa gobyerno.

Si Atty. Lumba ayon kay Jimenez ay propesor sa University of the Philippines noong panahong italaga ni Sereno na ipinagbabawal ng batas.

Ikatlo, labag din sa Konstitusyon ang pagtatalaga ni  Sereno matapos nitong italaga ang isang Atty. Brenda Jay Mendoza bilang chief ng Philippine Mediation Center na hindi man lamang idinaan sa Supreme Court en Banc.

Ikaapat, nilabag din daw ng Chief Justice ang Saligang Batas matapos nitong bigyan ng travel allowance sa kanilang byahe sa ibang bansa ang sarili nitong staff gamit ang pondo ng korte na hindi aprubado ng En Banc.

Ikalima, sinira din daw ni Sereno ang tiwala ng publiko dahil sa inexcusable negligence matapos nitong upuan ang mga aplikasyon para sa mga bakanteng posisyon sa SC.

Sinabi ni Jimenez na marami na silang nakausap na mambabatas para i-endorso ang impeachment complaint at umaasa sila na mayroong mag-eendorso dito.

Read more...