Gobernador ng Eastern Samar, misis na mayor kinasuhan sa Ombudsman

 

Sinampahan sa Office of the Ombudsman ng patong -patong na kaso ang kasalukuyang gobernador ng Eastern Samar, misis nitong mayor ng munisipalidad ng San Policarpio at iba pang opisyal ng lalawigan.

Si Governor Conrado Nicart Jr. at Mayor Thelma Uy Nicart ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act no.3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act ), RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards fot Public Officials and Employees, RA 7160 (Local Government Code of 1991), section 39 ng Manual on the New Government Accounting System for Local Government ng Commission on Audit (COA), paglabag sa Revised Penal Code of the Philippines (Usurpation of Authority) at Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service.

Ang mga kaso ay isinampa sa anti-graft body ng mga concerned citizen na sina Artemio T. Tapalla, Joel O. Amongo at Tirso Pagcalinawan Martes, Agosto 1, 2017.

Sa 15-pahinang reklamo ng mga complainant, inakusahan nito ang gobernador nang pagtatago ng tunay nitong kalagayan pangkalusugan.

Mayroon umanong malubhang sakit ang gobernador na sinasabing dahilan kung bakit nito hindi magampanan ang kanyang tungkulin.

Nabatid na bagamat dumadalo pa rin si Nicart sa mga pulong, mistula na lamang itong observer dahil hindi ito nagsasalita at hindi na nito naiintindihan ang mga pinag-uusapan.

Sa ngayon, nananatili si Nicart sa Office of the Governor na mistula nang intensive care unit (ICU) para sa mga pangangailangang medikal nito.

Nakalagay din sa reklamo na ang misis nito na si Mayor Nicart ang gumaganap sa mga trabaho nito bilang gobernador ng lalawigan tulad nang pagpirma sa mga tseke, disbursement voucher, mga memoranda at iba pang kautusan.

Sinampahan din kaso ang executive assistant ni Governor Nicart na si Josephine Lyn Uy Hui, provincial budget officer Eleanor Lobendencio, provincial accountant na si Lea Cargando, chairman ng bids and awards committee (BAC) na si Dr. Deogracias Paano, BAC Vice Chair Berlindo Morallos, BAC Secretary Joselito Mutia, Chief of staff na si Virgilio Capon, mga miyembro ng BAC na sina Engr. Thomas Campomanes, Cirilo Quinsayas at iba pang John at Jane Does dahil sa papel nito sa nasabing conspiracy.

Read more...