Tinawag ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers na “scandalously unqualified imbeciles” ang ilang mga tauhan ng Bureau of Customs na isinasangkot sa pagpasok sa bansa ng P6.4 Billion na halaga ng droga mula sa China.
Sa pagdinig sa Kamara ng House Committee on Illegal Drugs na pinamumunuan ni Barbers, kanyang sinabi na maraming opisyal ng Bureau of Customs ang hindi kwalipikado sa kanilang mga posisyon.
Idinagdag pa ng mambabatas na imposibleng makalusot sa BOC ang mahigit sa 600 na kilo ng shabu na itinago sa ilang mga printing machines ng hindi man lamang nalalaman ng mga opisyal ng nasabing ahensiya.
Naniniwala rin si Barbers na nagkaroong ng suhulan kung kaya’t nailipat sa green lane ang dapat ay mga kargamento na dumadaan sa red at yellow lane tulad ng mga kalakal na galing sa China.
Nadiskubre lamang ang pagpasok ng nasabing droga sa bansa makaraan ang raid na ginawa ng mga otoridad base na rin sa ibinigay na impormasyon ng anti-illegal drugs agency ng China.