Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Police Chief Insp. Marlon Cudal, ang hepe ng pulisya ng bayan, kinilala nito ang mga naaresto na sina Ruelito Roxas, dating pulis-Quezon at Alex Panganiban.
Ayon pa kay Cudal, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa presensiya ng dalawang lalaki sa Barangay Poblacion na kahina-hinala ang mga kilos.
Nang sitahin nila ang dalawa na sakay ng isang Toyota Vios ay nakita na ang mga dala ng mga ito ay caliber 40 pistol at isang 9mm pistol.
Sa paghalughog pa sa sasakyan ay nakita pa ang isang .45 pistol, isang Granada, isang rifle grenade, 3 bonnet, 2 handheld radios, mga bala, at high explosive ammunitions.
Dagdag pa ni Cudal, sina Roxas at Panganiban ay nahaharap sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives.
Samantala, sa sinumpaang salaysay ni Roxas, sinabi nito na may umupa sa kanya para patayin si Mayor Arvin Cruz.
Itinuro niya si Councilor Renan Morales at isang alias ‘Nora’ na kumausap sa kanya para patayin si Cruz kapalit ng 5 milyong piso.
Sa panayam naman ng Radyo Inquirer kay Cruz, sinabi nito na wala siyang alam na maaaring mabigat na dahilan para ipapatay siya.