Nova Parojinog, hindi pwedeng magsilbing acting Mayor habang nakakulong – DILG

Inquirer Photo | Marianne Bermudez

Hindi maaaring magsilbi bilang acting Mayor si Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog habang siya ay nakadetine.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Assistant Secretary Janvier Echiverri, ang maaari lamang mamuno ay isang aktibong opisyal na walang problema sa panunungkulan.

Kinuwestyon ni Echiverri kung paano pamumunuan ni Parojinog ang lungsod ng Ozamis kung siya ay nasa loob ng kulungan.

Dahil dito, si Ozamis second councilor Girlet Luansing ang nagsilbi bilang acting Mayor habang si Third councilor Michael Tagal naman ay bilang acting Vice Mayor.

Si First councilor Ricardo “Ardot” Parajinog sana ang magiging acting Mayor, pero isa siya sa mga subject ng search warrants na isinilbi ng mga pulis, at nananatili siyang nawawala hanggang sa mga oras na ito.

Noong Linggo ay napatay si Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog Sr. kasama ang labing apat na iba pa sa serye ng drug raids na isinagawa sa San Roque Lawis, Ozamiz City.

Nanlaban umano ang kampo ng alkalde sa mga pulis na nagsisilbi lamang ng anim na search warrants para sa mga armas.

Si Vice Mayor Parojinog naman ay naaresto matapos masamsam sa operasyon ang aabot sa P1.4 million na cash, kalahating kilo ng hinihinalang shabu at iba’t ibang klase ng mga baril sa kanyang bahay.

Noong Lunes ay inilipat si Parojinog sa isang detention cell sa Camp Crame, Quezon City.

Read more...