1 detenido, patay habang 1 pa ang kritikal sa siksikang kulungan sa QCPD Station 4

Patay ang isang detenido habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pa dahil sa umano’y siksikang kulungan sa Station 4 ng Quezon City Police District (QCPD).

Batay sa paunang imbestigasyon ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ang mga detinido na sina Renato Moreno at Bienvinido Paredes, parehong may edad na 42.

Binawian na anila ng buhay si Moreno bago pa maisugod sa Nova District Hospital habang nananatiling walang malay si Paredes, na nakitaan ng pasa sa dibdib, sa Quezon City General Hospital.

Sinabi ng QCPD-CIDU na matapos madiskubre ang dalawang detenido na nakabulagta sa sahig at nahihirapang huminga, agad na nagsisigaw ang iba pang preso.

Isasailalim naman ng QCPD CIDU sa otopsiya ang katawan ng namatay na detenido para matiyak na walang foul play.

Nabatid na aabot lamang sa apatnapu katao ang kapasidad ng kulungan ng Station 4 pero nasa isandaan at walo na preso ang nakakulong.

Read more...