(UPDATE) Dinala sa Metro Manila sina Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at kapatid nitong si Reynaldo Parojinog Jr. para isailalim sa inquest proceedings.
Ito ay matapos madakip ang dalawa sa isinagawang raid sa kanilang bahay na nagresulta sa pagkasawi ng kanilang magulang na sina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, misis niyang si Susan at 13 iba pa.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos, ang PNP Region 10 ang nagdala sa magkapatid sa Maynila.
Bago mag alas 9:00 ng umaga nang mailabas sa NAIA Terminal 3 si Vice Mayor Echavez.
Mahigpit ang seguridad sa kaniya at hindi napayagan na malapitan ng media.
Samantala, kasunod ng nasabing police operation sa Ozamiz City nagpasaklolo na ang ilang miyembro ng pamilya sa Volunteers Against Crime and Corruption o VACC.
Sinabi ni VACC Chairman Dante Jimenez na tinawagan na siya ng isa sa miyembro ng pamilya Parojinog.
Gayunman, hihintayin muna nila ang pormal na sulat ng mga ito para pag-aralan kung may nalabag sa proseso ng operasyon ang pulisya.
Sinabi ni Jimenez na bagaman sang-ayon sila na paigtingin ang kampanya kontra sa iligal na droga ay mahalaga pa rin aniya na mapakinggan ang panig ng pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa nangyaring raid sa compound ni Mayor Parojinog Sr.