Isang Chinese National ang arestado matapos magtangkang ipasok sa bansa ang mga smuggled Iphones na aabot sa 2.7 milyong piso ang halaga.
Ayon sa Bureau of Customs, ang pasahero na kinilala sa pangalang ‘Wen Congkai’ ay lulan ng Xiamen Airlianes Flight 8667 at napag-alamang mayroong 61 Iphone units sa kanyang bagahe.
Ayon kay Major Jaybee Raul Cometa, pinuno ng X-Ray Inspection Project Unit walang naipakitang mga dokumento ng cellphones ang Chinese National kabilang ang importation documents at permit mula sa National Telecommunications Commission o NTC.
Inirekomenda ni Cometa ang paglalabas ng warrant of seizure and detention sa paglabag ni Wen sa Customs Modernization and Tariff Act at NTC memorandum circular.
Ayon sa BOC, magdadagdag pa sila ng 19 na bagong X-ray machines sa tatlong terminal ng NAIA para masugpo ang smuggling.
Sa kasalukuyan, mayroon lamang tig-isang X-ray machines ang BOC sa NAIA Terminal 1 at 2 at dalawang x-ray machines sa Terminal 3.