Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Quezon City protocol ng lungsod sa pagsususpinde ng klase.
Sa pulong na pinangunahan ni Vice Mayor Joy Belmonte kasama ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council o QCDRRMC, naglatag ito ng mga bagong polisiya sa suspensyon batay sa umiiral na Executive Order No. 66.
Inatasan niya ang QDRRMC na ilathala sa official website nito ang impormasyon ukol sa suspensyon ng klase bago alas-4 ng umaga para sa morning classes at bago mag alas-11 ng umaga para sa afternoon classes.
Kailangan ding maianunsyo ang mga klase sa pamamagitan ng mga official media channels.
Sa mga kaso naman ng pagbaha at malalang mga sitwasyon sa ilang mga lugar na mapanganib sa mga mag-aaral at mga empleyado, hinikayat ang palagiang koordinasyon ng mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committees sa QDRRMC.
Kasalukuyang pinag-aaralan din ng QDRRMC ang pagpapatupad ng localized school suspensions sa mga bahaing lugar nang hindi naaabala ang mga lugar na hindi apektado ng mga kalamidad.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, nabatikos ang QC government sa hindi agad pagsususpinde ng klase habang inuulan ang lungsod dahil sa Bagyong Gorio.