Joma Sison: Si Duterte ang “No. 1 drug addict”

 

Sa pinakahuling banat ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison, tinawag niya namang “No. 1 drug addict” si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sison, si Duterte ang “most fitting target” ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na droga.

Binanatan ni Sison ang madalas na paggamit ni Duterte ng Fentanyl, na isang matapang na uri ng opioid para maibsan ang sakit niya sa spine na natamo niya sa aksidente sa motorsiklo.

“As an addict user of the opioid Fentanyl, Duterte is the No. 1 drug addict in the Philippines and is the most fitting target of the police units that he has turned into death squads and corrupted with money and promotions,” ani Sison

Gayunman, marami na aniya ang mga tinaguriang “diehard supporters” ng pangulo ang nagigising na sa katotohanang sa kabila ng kampanyang ito, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).

Pinapaboran rin aniya ni Duterte ang iilang mga drug lords sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng street market kung saan napaslang na ang mga sindikato at small-time na drug pushers.

Matatandaang sa isang talumpati niya sa Davao City noong Pebrero, inamin ni Duterte na minsan ay sinosobrahan niya ang pag-inom ng Fentanyl dahil hindi lang nito naiaalis ang sakit, kundi para rin siyang nasa “cloud nine” kapag umiinom siya nito.

Tinawag rin ni Sison na duwag si Duterte dahil sa pagpapapatay nito sa mga mahihirap na drug users at pushers, habang binawi naman niya ang pagturo niya sa negosyanteng si Peter Lim bilang drug lord

Samantala, sinabi rin ni Sison na wala na sa tamang pag-iisip si Duterte matapos niyang atasan ang mga pwersa ng gobyerno na ubusin na ang New People’s Army (NPA).

Ani pa Sison, hindi makakaya ni Duterte na pulbusin ang rebolusyunaryong kilusan na may malalim nang ugat, sa loob lamang ng nalalabing limang taon sa kaniyang administrasyon.

Read more...