Animnapung kalalakihan na galing Basilan at Sulu ang hinuli ng mga otoridad sa magkahiwalay na checkpoint sa Zamboanga City at Ipil, Zamboanga Sibugay noong Huwebes, Hulyo 27.
Ayon sa isang military source na nakausap ng Radyo Inquirer, ang mga galing Basilan ay ni-recruit ng isang nagngangalang “Isnani” at pinangakuan ng P10,000 hanggang P30,000 pagdating sa Lanao.
Isasabak anila sila sa training ng Moro National Liberation Front (MNLF) bago sila ma-integrate sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang tumulong sa pagsugpo sa ISIS/Maute group sa Marawi City.
Ayon sa isang sundalo na nakahuli sa mga recruit, nakausap niya ang isang Michael Alih, tubong Basilan, at umiiyak ito habang itinatangging kasapi sila ng MNLF. Ayon kay Michael, biktima lamang sila ng taong nag-recruit sa kanila.
“Umiiyak siya sa aking harapan. Napakasakit sa puso pero wala akong magawa kasi pinasok nila ang ganong sitwasyon,” ani ng sundalo sa wikang Chavacano.
Ayon kay Dr. Arlyn Jawad Jumao-as, isang doctor na nakabase sa Basilan, karamahin sa mga recruit ay humingi sa kanya ng medical certification na sila ay “fit to undergo training.”
“Requirement daw for MNLF integration to AFP,” ayon kay Dr. Jumao-as.
“Excited nga sila. Biniro ko nga na baka first month pa lang ay maglo-loan na kaagad sila sa AFPSLAI. Masaya daw sila at makakapagtrabaho na sila makakatulong pa sa AFP na makipaglaban sa ISIS. Kilala ko ‘yung iba, may mga Sama at fish vendor,” dagdag pa ni Dr.Jumao-as.
Ayon sa militar, nakitaan ang mga kalalakihan ng Army at Marine Battle Dress Uniforms (BDU), combat boots at patches ng MNLF, dahilan kung bakit agad silang isinakay kinabukasan sa isang c130 military plane sa Maynila upang maimbestigahan.
Hinala ng military, dadalhin ang mga recruit sa Marawi bilang reinforcement sa IS/Maute Group na dahan-dahan nang nalalagas. Makailang beses na ring may mga grupong nagtangkang pumasok at lumabas sa Marawi, subalit agad namang nasawata ng Joint Task Force Marawi ang mga balak nito.