Pagpilit sa mga estudyante na pumunta sa mga political gathering, tinawag na ‘immoral’

univ cebu - atty augusto go
Mula sa Cebu Daily News

Para kay Atty. Augusto Go, may-ari ng University of Cebu, imoral ang pag-pilit o pa-require sa mga estudyante sa mga political gathering tulad na lamang ng “Gathering of Friends” na idinaos ng Liberal Party sa Cebu Coliseum noong August 24.

Ayon kay Go, hindi siya naglabas ng memorandum na nagre-require sa mga estudyante ng kaniyang paaralan na pumunta sa aktibidad ng LP noong araw na iyon dahil aniya, ito ay labag sa mga patakaran ng kaniyang unibersidad at mas pinahahalagahan nila ang mga klase kaysa “political rally”.

Gayunpaman, hindi rin naman niya pipigilan ang mga estudyanteng nais pumunta sa ganoong aktibidad dahil karapatan din nilang kilalanin ang mga kandidato bilang mga botante.

Hindi rin aniya nila pipigilan ang pag-iimbita ng mga estudyante ng mga pulitiko sa paaralan basta ito ay aprubado ng kanilang student body.

Nasa 30 estudyante kasi ang nag-reklamo na ayaw silang palabasin ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa coliseum paglipas ng alas tres ng hapon kahit pa sinabi nilang kailangan nilang makabalik sa klase ng alas kwatro dahil sila ay may exam.

Pati ang ilang mga senior citizens na nais lumabas para bumili ng pagkain ay hinarang rin ng mga PSG dahil ang protocol daw sa kanila ay walang pwedeng palabasin o papasukin hangga’t hindi pa umaalis ang Pangulo.

May mga criminology students na nagpaliwanag na ang sabi daw sa kanila ay matatapos ang event ng alas tres ng hapon, ngunit sa oras na iyon ay hindi pa nagbibigay ng kani-kanilang talumpati sina Pangulong Aquino at DILG Sec. Mar Roxas, at ayon din sa kanila, hindi naman sila naroon para suportahan ang partido kundi para lang sa attendance nila.

Samantala ang ibang estudyante naman ay nagsabing freebies lamang ang dahilan ng kanilang pagpunta doon.

Pakiramdam naman ng 74-anyos na si Salvacion Bueno, para na siyang hihimatayin dahil sa gutom kasi wala naman raw ipinamigay na pagkain sa kanila tulad ng sinabi ng isa sa mga pinuno nila sa barangay.

May ilan ding residente ng Talisay City ang nais na sanang umuwi pero pinabalik lamang sila sa kanilang mga upuan.

Read more...