Nanatiling walang pahayag si Justice Secretary Leila de Lima sa mga kahilingan ng Iglesia ni Cristo, maging sa isang diumano’y kasunduan sa pagitan ng INC at ng Malacañang.
Nakita si De Lima sa isang larawang inilabas ng Malacañang na dumadalo sa isang pagpupulong, kasama si Pangulong Benigno Aquino III at iba pang miyembro ng gabinete noong Linggo ng gabi.
Sinusubukan umano ng kalihim na sagutin ang mga tanong at kumento ng mga reporter sa pamamagitan ng text messages, tuwing weekend, ngunit hindi nitong Linggong ito.
Ang kanyang huling text message na ibinahagi sa isang television reporter noong gabi ng Biyernes ay ang katagang “Thank you” dahil sa pag-trend niya sa ilang social media.
Ayon naman kay Prosecutor General Claro Arellano, wala pang naitalang hahawak ng kasong isinampa ng pinatalsik na ministro ng INC na si Isaias Samson Jr., at ng pamilya nito kontra sa ilang miyembro ng Sanggunian ng INC.
Maliban kay Samson, isa pang dating miyembro, si Lito Fruto, ang naghain din ng kaso laban sa ilang miyembro ng Sangguniam ng INC.
Samantala, nagbigay na rin ng pahayag ang mga abugado nila Samson na sina Trixie Cruz-Angeles at Ahmed Paglinawan na nagsasabing buksan sa publiko ang pag uusap na naganap sa pagitan nila Pangulong Aquino at Interior Secretary Mar Roxas.
Anila, kailangang malaman ng taong bayan ang laman ng kasunduan, at iba pang napag usapan upang maging patas sa bahagi ng mga nagsampa ng kaso.
Dagdag pa ng dalawang abugado na kailangang maging malinaw sa lahat ang napagkasunduan, at kung maaari ay malaman nila kung ano ang mga hakbang at prosesong dapat ayusin, dahil kinakailangang maging patas ang husgado sa pagtingin sa kaso.
Sinabi nila na kinakailangang magkaroon ng balanseng pagsasagawa ng preliminary investigation at makita ang lahat ng ginagawa, dahil ayaw nila na maaaring mabasura lamang ang reklamong kanilang idinulog sa mataas na hukuman na.
Ikasisira umano ng pamahalaan, partikular na ang kredibilidad nila sa pamamahala sakaling hindi nila sabihin ang rason ng kasunduan.
Hindi naman bago na sa pandinig nina Angeles at Paglinawan ang ingay na gagawin ng INC para makalapit sa gobyerno, na siyang diumano’y tila nagpasuko na sa kanila upang imbestigahan ng tama ang kaso.