Winakasan ng Malacañang ang mga usap-usapan na may naganap na kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng Iglesia Ni Cristo kaya itinigil na ang mass action nito sa EDSA.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang kasunduan na naganap tulad ng pinalalabas ng iba at iginiit niya na ang pagpupulong na nangyari sa pagitan ng pamahalaan at INC ay naging pagkakataon lamang para ibigay ng magkabilang panig ang kani-kanilang mga pananaw at linawin ang ilang isyu.
Nauna nang nag-anunsyo si INC General Evangelist Bienvido Santiago bandang 8:15 ng umaga na nagpasya na silang pauwiin ang kanilang mga kasapi sa EDSA dahil aniya, nagkausap na ang kanilang panig at ang pamahalaan kaya payapa na ang sitwasyon.
Samantala, kinumpirma ng Palasyo na nagpuyat noong Linggo si Pangulong Benigno Aquino III at ang mga miyembro ng gabinete para hindi na lumala ang sitwasyon sa INC.
Ayon kay Lacierda, inumpisahan ang pulong alas otso y medya ng gabi at natapos pasado alas dose na ng umaga.
Kabilang sa mga pumunta ay sina Interior Secretary Mar Roxas, Budget Secretary Butch Abad, Justice Sec. Leila De Lima, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Intelligence Chief Cesar Garcia, political adviser Ronald Llamas, Communications Secretary Sonny Coloma, Social Welfare Secretary Dinky Soliman, Armed Forces Chief Gen. Hernando Iriberri at PNP Chief Director Gen. Ric Marquez.
Kasama sa mga pinag-usapan ay ang sitwasyon kagabi sa rally ng INC at ang posibleng senaryo oras na matapos ang permit nito mula sa lungsod ng Mandaluyong.
Bagaman kinumpirma ang nasabing pulong, iginiit din ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na wala siyang alam tungkol sa mga detalye na napag-usapan ng pamahalaan at ng INC dahil hindi siya kasama doon.
Inamin naman ni Roxas sa isang panayam na tahimik silang nakipag-usap sa mga pinuno ng INC nitong mga nagdaang araw para linawin ang mga isyu.
Pagkatapos naman ng anunsyo ni Santiago, umakyat sa entablado sa EDSA si INC spokesman Edwil Zabala at sinabihan ang kanilang mga kasamahan na mapayapang lisanin na ang intersection at pulutin ang kanilang mga kalat.
Matatandaang nagsimula ang protesta ng INC noong Huwebes dahil sa kanilang panawagan na “separation of Church and State”, bunsod ng mga alegasyon na nakikialam ang pamahalaan sa kanilang mga panloob na usapin matapos magpatawag ng imbestigasyon si Justice Sec. Leila de Lima ukol sa isinampang kasong illegal detention ng itiniwalag na ministrong si Isaias Samson Jr. laban sa mga pinuno ng INC.