Mga hinihinalang miyembro ng Maute, isinasailalim sa Inquest Proceedings

Isinailalim na sa Inquest Proceedings sa Department of Justice ang 59 na hinihinalang miyembro ng Maute terror Group na naaresto sa Zamboanga.

Pinangunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong ang inquest sa mga ito para sa reklamong rebelyon.

Mula sa Edwin Andrews Airbase sa Zamboanga City ay isinakay ang mga ito ng C-130 patungo sa Villamor Airbase sa Pasay saka isinakay sa bus ng Philippine Army at dinala sa DOJ.

Nakaposas ang kamay sa unahan ng mga ito ng idating sa punong tanggapan ng DOJ sa Maynila na escorted ng PNP-SAF.

Naging mas mahigpit naman ang seguridad sa DOJ dahil sa inquest sa mga miyembro ng Maute.

Naaresto ang mga ito sa checkpoint ng militar sa Ipil, Zamboanga Sibugay at ang iba naman ay sa isang bahay sa Guiwan, Zamboanga City.

Base sa salaysay ng mga suspek, mga miyembro sila ng Moro National Liberation Front at patungo sila sa Camp Jabalnur sa Lanao del Sur para sa isang training.

Gayunman, itinanggi ng MNLF na miyembro nila ang mga suspek.

Nakarekober ang militar mula sa mga ito ng uniporme ng pulis at militar.

Read more...