Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, lumabas sa review ng insidente na hindi intensyon ni Paner na insultuhin ang mga sundalo.
Bagkus ang layon anya nito sa pagsuot ng military uniform sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ay para purihin ang kanilang sakripisyo.
Pero kahit hindi na magsasampa ng kaso ang AFP ay nanawagan ang militar kay Paner at mga unauthorized na tao na iwasan ang hindi tamang pagsusuot ng uniporme ng militar.
Paliwanag ni Padilla, ang isinuot na uniporme ni Juana Change sa protesta ay ginagamit ng mga sundalo sa battle zone kung saan ang iba ay namamatay kaya sagrado ito sa tropa ng gobyerno.
Samantala, ipinagtanggol ni Padilla si Communications Asst. Sec. Mocha Uson na pwede rin umanong may paglabag nang magsuot ito ng fatigue sa isang official trip.
Ayon kay Padilla, ang isinuot ni Uson ay hindi regular na uniporme at nabili lang commercially bukod pa sa magiging military reservist na anya ito.