Patuloy pa rin ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rebelde na talikuran na ang komunistang ideolohiya at sumuko na sa pamahalaan.
Ayon kay Duterte, kapag sumuko ang mga rebelde ay bibigyan niya ang mga ito ng trabaho at maari pa silang pumasok sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Hindi naman na inoobliga ni Duterte ang mga ito na isuko rin ang kanilang mga armas sakali mang kusa silang susuko sa gobyerno.
Aniya, kahit itago na lang ng mga ito ang kanilang mga baril o gawing souvenir, dahil hindi naman siya interesado sa mga ito.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang palitan ng banat nina Duterte at ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison, umaasa pa rin ang pangulo na matatapos rin ang bangayan sa pagitan ng gobyerno at mga komunista.
Aminado siya na nasasaktan siya sa mga nangyayari, pero hindi naman aniya siya galit na galit sa mga ito ayaw na niyang makipag-away sa mga komunista.
Panawagan niya sa mga miyembro ng New People’s Army, maari silang sumuko sa mga barangay captain at ang mga lokal na opisyal na ang bahalang magdala sa kanila sa pulisya o sa militar.