Oplan Galugad, isinagawa sa Bilibid

Kuha ni Jan Escosio

Nabulabog mula sa pagkakatulog ang libo-libong preso ng National Bilibid Prisons (NBP) nang magsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng PNP-Special Action Forice (SAF), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Corrections sa mga selda.

Pero kung dati rati, ang maxiumum security compound ang target ng Oplan Galugad, sa isinagawang pag-halughog ay ang medium security compound ang naging sentro ng operasyon.

Pinangunahan mismo nina Justice Sec. Vitaliano Aguirre II at PNP chief Ronald Dela Rosa ang paghahanap ng mga kontrabando sa loob ng mga selda.

Kasunod na rin ng pagbubunyag ni Aguirre na may illegal drug transactions muli sa loob ng Bilibid na inanunsiyo na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

At ayon kay Aguirre, dahil naghigpit sa maximum ay sa medium na ginagawa ang mga transaksyon sa ilegal na droga.

Pinalabas ng kani-kanilang selda ang mga preso habang isinasagawa ang galugad.

Dagdag ni Aguirre pinagpapaliwanag niya ang Bucor officials kung bakit makalipas ang tatlong araw ay hindi pa nasusunod ang direktiba niya na ibalik sa maximum compound ang mga preso na misteryosong inilipat sa medium security compound.

Nauna nang ipinag-utos ni Aguirre ang pagsasagawa ng imbentaryo sa lahat ng mga preso na inilipat ng kulungan at kung ano ang rason ng paglipat sa mga ito.

Matapos ang ginawang pag-galugad ay ibinalik na ang ilang preso mula sa tinaguriang “Bilibid 19” sa maximum security compound./ Jan Escosio

 

 

 

Read more...