Kumbinsido si Sen. Franklin Drilon na nagkaroon ng cover-up sa kaso nina Supt. Marvin Marcos para ito makapagpyansa at makabalik sa pwesto.
Sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at Committee on Justice and Human rights, iginiit ni Drilon na matapos ang hearing lumalabas na sinadyang pagtakpan ang kaso ni Marcos at mga kasamahan nito para maibalik sa serbisyo.
Ang grupo ni Marcos at ilan sa kanyang mga dating tauhan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 8 ang sinasabing nasa likod ng pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Samantala, nauna nang sinabi ni Drilon na dapat makasuhan ng graft si Justice Usec. Reynante Orceo matapos ang ginawa nitong pagdowngrade sa kaso nina Marcos.
Giit ni Drilon, nagsisinungaling si Orceo sa kanyang ginawang testimonya sa Senado kanina nang kanyang sabihin na hindi nakialam sa kaso si Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Base sa mga naunang pagdinig sa Senado, sinabi ni Drilon na malinaw na sadyang pinag-planuhan ang pagpatay kay Espinosa na isinasangkot naman iligal na droga.