Duterte inginuso ni Dela Rosa na nag-utos na ibalik sa serbisyo si Supt. Marcos

Inquirer file photo

Sinabi ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa na wala nang legal na balakid para makabalik sa serbisyo ang grupo ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 Director Supt. Marvin Marcos.

Malinaw ayon sa opisyal na bailable ang kasong homicide kaya naman naglagak na ng piyansa ang grupo ng nasabing police official na nakatakdang italaga sa PNP Region 12.

Sa pagdinig sa Senado kanina, sinabi ni Dela Rosa na sumunod lamang siya sa naging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa pwesto ang grupo ni Marcos.

Ito’y makaraang ma-downgrade mula sa murder tungo sa homicide ang kanilang kaso kaugnay sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Reynaldo Espinosa.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado kanina, sinabi ni Justice Usec. Reynante Orceo na dumaan sa assessment ng DOJ ang kaso nina Marcos bago inirekomenda ng grupo ng mga taga-usig na i-downgrade ang kaso.

Sa kanyang mga naunang pahayag ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sagot niya ang mga alagad ng batas na makakasuhan basta’t tatalima ang mag ito sa war on drugs na inilunsad ng kanyang administrasyon.

Read more...