Sa inilabas na resolusyon ni Asst. State Prosecutor Philip dela Cruz, ibinasura niya ang mga kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention laban sa 30 dayuhan dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) at Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) noong July 18 ang 44 na dayuhan na karamihan ay pawang mga Chinese nationals.
Nasagip sa nasabing operasyon ang isang Singaporean na si Wu Yan, na umano’y dinukot ng mga respondents sa isang casino sa Pasay City.
Ayon sa DOJ, hindi naman naituro ni Wu ang nasabing 30 dayuhan bilang kasapi ng grupong dumukot sa kaniya.
Kasunod nito ay iniutos na ng DOJ ang pagpapalaya sa kanila mula sa detention facility sa Camp Crame.
Samantala, nananatili namang nakaditine ang 14 na iba pang naarestong dayuhan para sagutin ang mga alegasyon sa kanila sa preliminary investigation.