Aabot sa P2 milyong halaga ng iba’t ibang droga ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CALABARZON at Makati City Police sa operasyon sa isang condominium sa lungsod.
Base sa impormasyon mula kay Supt. Jenny Tecson, ang tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), unang naaresto noong Biyernes si Joanne Cuachon at nakuha sa kanya ang may kalahating kilo ng shabu.
Kasunod nito ay nagpalabas ng search warrant si Makati City Executive Judge Elmo Alameda ng RTC Branch 150 kaya’t sinalakay ang unit 841, Tower D Ng Jazz Residences sa Jupiter Street na pag-aari ni Cuachon.
Nakuha sa unit ang mga plastic sachets ng hinihinalang shabu, hinihinalang ecstasy tablets, cocaine, mga drug paraphernalia, mga tseke at mga listahan ng mga pangalan.
Itinuturing na diumano’y bigtime drug pusher at pinaniniwalaang drug den ang condo unit ni Cuachon.
Nahaharap na ngayon sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Cuachon.