Mga petisyon kontra sa martial law sa Mindanao ibinasura ng SC

Inquirer file photo

Unanimous ang naging desisyon ng Korte Suprema na tuluyang nagbasura sa mga petisyon na kumuwestiyon sa legalidad ng ipinatutupad na Martial Law sa Mindanao.

Lahat ng 15 mahistrado ay bumoto sa isinagawang en banc session para balewalain ang consolidated petition ng grupo ni Atty. Alex Padilla at Sen. Leila de Lima at grupo ni dating Sen. Wigberto Tañada at ilang mga Catholic Bishops.

Sa pinagsamang petisyon ay kinukuwestiyon ang hindi pagdaraos ng joint session ng Kongreso bago pinagtibay ang batas militar na idineklara noong Mayo 23 at suriin ang ginawang basehan ng deklarasyon nito.

Kumbinsido ang ilan sa mga mahistrado na walang nangyaring grave abuse of discretion sa panig ng Kongreso.

Naniniwala sila na wala naman nakasaad sa section 18 article 7 ng Saligang Batas na obligado ang dalawang kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng joint session para lang pagtibayin ang martial law.

Anila kailangan lang ang joint session kung papalawigin ang batas militar o ipawawalang bisa Ito at sa suspensyon ng writ of habeas corpus.

Samantala, sinabi naman nina Associate Justices Marvic Leonen at Benjamin Caguioa na moot and academic na rin ang mga petisyon dahil nagdesisyon na noong Sabado ang Kongreso na palawigin pa hanggang sa katapusan ng taon ang martial law sa Mindanao.

Nabatid naman na ang sumulat sa desisyon na ito ay si Associate Justice Teresita de Castro.

Read more...