Peace talk sa pagitan ng pamahalaan at NDF buhay pa ayon kay Bello

Inquirer file photo

Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na hindi na siya makikipag-usap sa komunistang grupo.

Pero ayon kay Government Peace Panel Chair Silvestre Bello III, patuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front at walang opisyal na termination notice na ipinadadala ang peace negotiating panel.

Sa ngayon aniya, suspendido pa lamang ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa NDF.

Iginiit din ni Bello na layunin ng usapang pangkapayapaan na ihinto ang gulo sa pagitan ng New People’s Army at pwersa ng gobyerno.

Matatandaang noong July 19, tinambangan ng mga kasapi ng NPA ang convoy ng Presidential Security Group (PSG) sa bayan ng Arakan, Cotabato kung saan hindi bababa sa limang miyembro ng PSG ang sugatan.

Pero nilinaw ni Bello na kung anuman ang maging pinal na desisyon ng pangulo ay kaagadi silang tatalima dito.

Sa kabila nito, umaasa ang opisyal na magpapatuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng rebeldeng grupo.

Read more...