“Ilocos Six” pinalaya na ng Kamara

Inquirer photo

Isa-isang niyakap ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang bawat isa sa mga tinaguriang “Ilocos Six” makaraan silang payagan ng liderato ng Kamara na makauwi na sa kanilang mga tahanan.

Mismong si Ilocos Norte Representative at House Majority Leader Rudy Fariñas ang nag-moved para sa lifting ng contempt order laban sa anim na opisyal ng Ilocos Norte provincial government.

Magugunitang si Fariñas rin ang nag-moved para sila ay ma-contempt dahil sa umano’y pagsisinungaling sa pagdinig ng Good Government and Public Accountability Committee na may kaugnayan sa iligal na pag-gamit sa pondo ng tobacco excise tax ng lalawigan.

Ang nasabing halaga na umaabot sa P66.4 Million ay ipinambili ng mga multicab na ipinamahagi naman sa ilang mga Barangay sa lalawigan.

Sa kanyang panig, sinabi ni Fariñas na pumayag siyang i-lift ang contempt order dahil inamin na ng mag opisyal na kabilang sila sa mga lumagda para magamit ang nasabing pondo sa pambili ng mga sasakyan.

Nauna dito ay ipinag-utos na rin ng Court of Appeals ang pagpapalaya sa tinaguriang “Ilocos Six”.

Sa isang ambush interview sa Kamara, sinabi ni Marcos na siyang masaya dahil makakauwi na sa kani-kanilang mga kaanak ang mga opisyal ng Ilocos Norte na 55 araw ring namalagi sa Kamara.

Read more...