Hindi uubra sa taumbayan ang pambobola, pagmumura at pambu-bully na ginawa ni pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA).
Reaksyon ito ni dating Bayan Muna Party list Rep. Teddy Casiño matapos na lumabas at harapin ni Pangulong Duterte ang mga raliyista kagabi pagkatapos ng kaniyang SONA.
Ayon kay Casiño, ang lansangan ay hindi gaya ng kongreso na ‘punung-puno ng kaplastikan’, dahil sa kalsada ay ‘hindi nababayaran ng pork barrel ang audience’.
Dagdag pa ni Casiño, sa lansangan, ‘pag sinabi mong “PI mo,” may sasagot sa iyo nang “PI mo rin.”
Aminado si Casiño na nabigla sila kagabi nang hilingin sa kanila na makapagsalita sa entablado ng mga raliyista ang pangulo dahil hindi pa ito nangyayari sa kasaysayan.
Agad aniya silang nag usap-usap at sap ag-aakalang may magandang sasabihin ang pangulo at bilang respeto sa kaniya bilang pinuno ng bansa, pinayagan nila ito.
Ayon kay Casiño, matapos silang mura-murahin ni Duterte sa kaniyang speech sa SONA ay humarap ito sa kanila para humingi ng respeto.
“Duterte with his posse rushed straight up the stage and delivered his piece. He asked for respect.
Wow. This is the guy who, minutes earlier in his speech inside Congress, badmouthed us and told us to go home kasi walang silbi ang aming pagra-rally,” ayon kay Casiño.
Mas mabuti pa sana ang kinalabasan ani Casiño kung tinawag ng pangulo ang mga lider ng militante sa stage at saka kinausap ng maayos, pero mistulang gusto aniya ng ‘solo act’ ng presidente.
Marahil nais aniya ng pangulo na maipaliwanag kung bakit bigo ang kaniyang administrasyon na maibigay ang kaniyang mga ipinangakong pagbabago.
Pero ani Casiño, hindi naman ang bilis o bagal ng pagbabago ang kinukwestyon ng mga militante kundi ang programa at polisiya ng gobyerno.