Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na nagkaroon ng failure of intelligence kaya hindi natantya ng pwersa ng gobyerno kung gaano na kalalim ang problema sa Marawi City.
Una nang sinabi ni Duterte sa pagharap niya sa Philippine Stock Exchange, na labinlimang araw na lang ang itatagal ng bakbakan sa Marawi City.
Gayunman, ayon kay Duterte, sa tantya niya pa nga noon ay akala niya aabutin na lang ito ng tatlong araw ngunit hindi pala nila alam na lubos na napagplanuhan ang pag-atake ng mga terorista sa lungsod.
Ayon kay Duterte, parang hindi nauubos ang mga armas at bala ng mga terorista, na ipinagtataka ng pwersa ng pamahalaan.
Dito nila aniya napagtanto na ilang buwan nang nag-imbak ang mga terorista ng kanilang mga gamit sa Marawi City.
Paglilinaw ng pangulo, hindi niya sinisisi ang lahat ng Maranao, pero dapat aniyang sisihin ang mga tiwaling Maranao na nakipagsabwatan sa mga terorista.
Aniya, nagkaroon ng pagkakamali sa evaluation o assessment kaya pala hindi maubusan ng mga pampasabog ang mga kalaban.
Mayroon an din aniyang mga tunnels na katulad ng mga itinayo ng mga Viet Cong sa Saigon.
Nalaman na lang aniya ng tropa ng gobyerno ang tungkol dito nang mabawi na ang mga teritoryong kinubkob ng mga terorista.
Samantala, bagaman minamadali nang tapusin ang bakbakan sa Marawi, hindi niya inirerekomenda ang pagsasagawa ng pag-atake sa lugar kung saan binihag ng mga terorista ang maraming sibilyan.