Ilang senador, nakulangan sa ikalawang SONA ni Duterte

 

Hindi masyadong nakuntento ang ilang mga senador sa mga ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).

Para kay Sen. Risa Hontiveros, nagmistulang hindi magandang ‘open mic’ performance ang SONA ng pangulo.

Lumang materyal na rin aniya ang mga binanggit ni Duterte tulad ng digmaan kontra iligal na droga, martial law, death penalty at kawalan ng pakialam sa demokrasya at karapatang pantao.

Kinulang din aniya ito sa pagpapahayag ng mga naging achievements ng administrasyon base sa lahat ng kaniyang mga ipinangako noon.

Umasa naman si Sen. Richard Gordon na mahahagip ng pangulo sa kaniyang talumpati ang plano niyang rehabilitasyon sa Marawi City.

Maayos na sana aniya ang talumpati ni Duterte hanggang sa nagdesisyon itong mag ad lib.

Para naman kay Sen. JV Ejercito, kulang si Duterte sa mga plano para sa stratehiyang pang-imprastraktura at ekonomiya.

Naniniwala naman si Ejercito na dapat mas maipaliwanag pa nang maigi ang kasalukuyang bersyon ng comprehensive tax reform na nais isulong ng pangulo.

Pabor naman si Ejercito sa pagrerekomenda ni Duterte na maipasa ang panukalang pagbabalik ng death penalty.

Samantala, ayon naman kay Sen. Grace Poe, umasa siyang mababanggit ni Duterte ang Freedom of Information Bill, para sana ay mabilis itong umusad sa Kongreso.

Suportado naman ni Sen. Tito Sotto ang pangako ni Duterte na ipagpapatuloy ang giyera kontra iligal na droga.

Read more...